Matagumpay na isinagawa ng Yunit ng Pagpapaunlad at Pamamahala ng Proyekto (PDMU) ng DILG MIMAROPA ang 1st Semester PDMU Conference na ginanap sa Central Park Reef Hotel, Olongapo City mula Hunyo 25 hanggang 27.
Ang tatlong araw na kaganapan ay nakatuon sa masusing pagtalakay sa kalagayan ng mga proyekto sa ilalim ng mga programang FALGU, SBDP, GEF, SAFPB, at RSSA. Kasama rin sa aktibidad ang mga pagsasanay at pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa records management, mga usaping administratibo at accounting, pagsulat ng naratibo at lathalain ukol sa mga proyekto, tamang pamamaraan ng pagkuha ng mga retrato, at pagsasagawa ng panayam sa mga benepisyaryo.
Dumalo rito sina Regional Director Karl Caesar Rimando, CESO III, Assistant Regional Director Rey Maranan, CESO IV, pati na rin ang mga panlalawigan at panlungsod na direktor kasama ang kanilang mga kawani ng PDMU, at mga hepe ng dibisyon.
Sinuri ng mga kalahok ang mga datos na ibinahagi ng Regional PDMU. Tinalakay nila ang mga estratehiya na tutulong sa mga lokal na pamahalaan ng MIMAROPA na magkaroon ng sapat na kaalaman para sa matagumpay na pagpapatupad ng mga proyektong imprastruktura.















