Mahigpit na pinaaalalahanan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) MIMAROPA ang mga Lokal na Pamahalaan at mamamayan ng rehiyon na maging handa, alerto, at maagap sa pagdating ng Super Typhoon “UWAN.”

Nagpalabas ng mga Abiso at Memorandum ang DILG na nagpapaalala sa mga Lokal na Pamahalaan na agarang ipatupad ang Minimum Critical Preparedness Measures batay sa Operation L!sto Manual, kabilang na ang implementasyon ng Pre-emptive Evacuation, No Sail Policy, at Liquor Ban.

Bukod dito, ang Pamunuan ng DILG MIMAROPA, kabilang na ang mga DILG Field Officers ay nakipag-ugnayan sa mga Punong Lalawigan, Punong Lungsod, Punong Bayan, at mga Punong Barangay upang tiyakin ang agarang pagpapatupad ng Pre-emptive Evacuation at iba pang kaukulang aksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Bilang bahagi ng paalala, binigyang-diin ni Regional Director Karl Caesar R. Rimando, CESO III ang kahalagahan ng maagap na aksyon: “Huwag na po nating hintayin na lumala ang sitwasyon bago tayo magpatupad ng mga naaangkop na aksyon. Ipatupad po agad ang Pre-emptive Evacuation, lalo na sa mga komunidad na may banta ng pagbaha, landslide, at storm surge. Siguruhin ang mga Evacuation Centers ay may sapat na pagkain, tubig, kuryente, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuees. Magtulungan po tayo upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.”

Hinihikayat din ng DILG MIMAROPA ang mga mamamayan sa rehiyon na makinig sa mga opisyal na anunsyo mula sa kanilang mga Lokal na Pamahalaan at iba pang mga kaukulang ahensya. Huwag ipagsawalang-bahala ang mga babala ng panahon at huwag magtangkang pumunta sa mga lugar na may banta ng panganib.

Ang DILG MIMAROPA ay patuloy na nakikipag-tulungan sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at mga Lokal na Pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng bawat mamamayan sa rehiyon.